Friday, October 24, 2008

Katha

May ikinakasal na tikbalang. Maaliwalas ang langit at maliwanag ang sikat ng araw ngunit umaambon. Kasabihan ng mga matatanda ay ito raw ay hudyat ng mahiwagang pag-iisang dibdib. Malinaw na kathang-isip lamang ang mga nilalang na ito, ngunit masarap din itong isalarawan sa isipan sa mga ganitong pagkakataon. Nakapagbibigay ng panandaliang ginhawa ng dibdib ang mantakin na may hiwagang nakakubli sa tila nakakapanghinawang pang araw-araw na buhay.
Kagabi ay nakasipat ako ng mga tala sa kalangitan. Tulad ngayon, ang mga ulap ay nagbigay daan, at muling nakasilip ang mga munting bituin, tanawin na kaytagal ng hindi nasisilayan dahil sa walang humpay na unos. Habang ako'y nagnilaynilay ng kahulugan ng kaligayahan, sinugasog ko rin ang kahiwagaan ng langit.Sa huli, akin ring napagtanto: ang kaligayahan ay hindi naman isang kababalaghang natatago sa mga ulap o sa alamat ni Lola.