Friday, August 24, 2007

Ang Dali nang Maging Writer Nowadays

Ang dali nang maging writer sa mga panahong ito.

Naalala ko pa, grade five ako noong unang beses akong lumikha ng isang tula. Tinuruan ako ng isang kaklase kung paano. Noon din ako unang umibig sa pagsusulat. Sabi ko sa sarili ko, "Napakadali lang palang magsulat. Kumuha ka lang ng papel at bolpen at isipin ang crush mo, makakasulat ka na." At sa mga panahong iyon ng aking malayang pagkatha ay isinilang ang walang-kamatayan kong pangarap na maging isang writer.

Di lumaon ay nag highschool na ako. Sabi nila, kung gusto kong maging manunulat, kailangan ay mag exam ako para maging bahagi ng school paper. Pinangunahan ako ng takot. Napakaraming pangamba ang pumasok sa isipan ko. "Paano kung hindi nila magustuhan ang sinulat ko?" "Paano kung hindi pala ako isang writer tulad ng inakala ko?" Sa loob ng dalawang taon ay tinitigan ko lamang ang diyaryong 'yon. Minsan iniisip-isip, pinapanga-pangarap na makita rin ang pangalan ko sa Literary Corner. Pero ni minsan ay hindi ako naglakas ng loob na sumubok; na magbaka-sakali. Sa mga panahong iyon, doon ko lamang naisip; ang hirap palang maging writer.

Sa ikatlong taon ko sa highschool, naging editor ng Pampangan (ang school paper namin) ang isa sa mga malalapit ko na kaibigan. Nakapasok ako sa staff ng walang exam-exam; nailimbag ang pangalan ko nang hindi ko man lang inakala. Minsan ay madali lang din pala maging writer. Kahit sa puso ko'y nagdududa parin ako sa kakayahan ko, at least, naging writer ako kahit gawa lamang nepotismo.

Sa paglalaro pa ng tadhana, napasali pa ako sa isang paligsahan. Nakakatawang isipin na saling-pusa lang naman talaga ako sa paligsahang cluster-level na 'yon. Kailangan kasi nila ng mangunguna sa opening prayer sa program kaya ako nagkunwaring isa sa mga kalahok sa feature writing contest. Mantakin mo at nasali pa ako sa provincial level matapos noon! At kung hindi nga naman nakakagulat ang mga pangyayari, ako pa ang napiling ipadala para maging representative ng Pampanga. Ikinadismaya naman ng titser ko ang pagkapanalo ko. Kung sabagay, ano nga naman ang ilalaban ng isang saling-ket na literary writer sa regional feature writing contest? Tulad ng inakala ng lahat, natalo ako.

Oo na, hindi pala ganoon kadaling maging writer.

Lalo na noong nagtangka akong mag shift sa creative writing sa UP. Bakit hindi pa kasi yun ang naging 1st choice ko sa UPCAT eh. Kinailangan ko pa tuloy kumbinsihin ang pamilya ko na ipag-shift ako. Sabi ng kapatid ko, "You have to be really really good to make it in writing, Ging." Parang sinabi na rin nyang wala akong mapapala sa kakayahan kong magsulat. Kung hindi pa naman mas nakakatuya ay ni-reject ako ng department.

Tunay na napakahirap ngang maging writer.

Matapos ng isang kurso na napakalayo sa pagsususlat,isa at kalahating taon na pagtuturo at sampung buwan sa call center, ako ngayon ay isang writer na. Research writer nga lang kaya medyo nasasakal rin sa creativity. Isipin mo, isang tawag lang, isang interview, at isang review sa aking blog ay naging writer ako sa isang kisap mata. Aba, ang dali na palang maging writer sa mga panahong ito.

Kaya naisip ko lang, sa paglago ng E-commerce at kung ano-ano pang Internet churva 'jan, napakadali nang maging writer. Nakita ko nga sa bestjobs.ph nung isang araw na in-demand ang tinatawag na "keyword writers." Hindi gaanong importante kung ano ang isusulat nila, basta mabanggit lamang nila ang certain keywords na kailangan ng cliente. Ewan, ko di ko ma-gets. Parang connected yata sa search engine optimization. Andaming writers ang kailangan ngayon para magsulat ng website content at kung ano-ano pang paid information (tulad ng sinusulat ko, hehe). Ang dali na ring ibenta ang pangalan mo bilang manunulat (dahil hindi ka acknowledged) para sa mala call-center na sweldo. Madali ring kumita ng 90-150 pesos per 300 words, as a matter of fact.

Naku, napakadali na palang matawag na isang writer sa mga panahong ito, ano?
Ito nga ba ang pangarap ko?

*******
BTW, sabi ni yoyo ang pangit ko daw magsulat sa tagalog. Masagwa ba talaga?