Pasado alas otso palang kagabi, tulog na ako. Wala pang alas siete, ako'y nagkulong na ng kwarto. Sa panandaliang halos siyam na oras na iyon, nakatakas ako sa mundo. Sa tunog ng telepono. Sa hudyat ng ym or e-mail. Sa konting sandali nakuha kong magkunwari na tahimik ang mundo, mapapanaligan, at hindi ako sasaktan.
Paggising ko ng alas singko ng umaga, at sa unang mensaheng nabasa ko, ako'y napahagulgol. Oo't gising na nga ako. Mulat na rin ang aking puso sa katotohanan. Naluha ako sa napakaraming dahilan-- dahil may nawala sa 'kin... o di kaya'y, dahil sa wakas ay natauhan na ako, tulad ng paggising ko mula sa malalim at mahimbing kong tulog, na hindi siya naging akin mula sa simula pa lamang.
Mahirap bitawan ang bagay na nakagawian mo na, komportable na, o di kaya'y, mahirap mang aminin, napamahal na sa 'yo. Gayun pa man, mas mahirap lokohin ang sarili na darating pa ang panahon na magbabago rin ang mga bagay bagay. Hindi dahil namumunga na ito ng kahulugan para sa iyo ay gayun din para sa iba.
Masakit mapagtanto na wala pala talaga kayo sa parehong pahina ng isang tao; o mas malungkot, magkaibang nobela pala ang inyong binabasa. Mahirap isipin na sa wakas na ika'y handa na, siya pala'y hindi naman talaga kayang ipaglaban ka.
Masakit mambura ng mga mensahe at mga larawan (at ng contacts), at lalong malungkot ang mambura ng mga alaala ng pinagsamahan.
Pero may mga bagay talaga na kailangan magwakas. Mga bagay na kailangan tapusin bago mahimbing, upang paggising sa umaga ay magmistulang isang panaginip lamang ang lahat.